top of page
Search

QUALIFIED OVER QUALIFICATIONS

Updated: Apr 20, 2022


KWALIPIKASYON DE DISKRIMINASYON


“Luis! Tawagin mo na sila Shiela, kakain na!” sigaw ni Eliza, ang kanilang panganay, habang tagaktak pa ang pawis nito dahil sa sobrang tirik ng araw at isama mo pa ang init ng kanyang niluluto


“Eto na ate! Papaalam lang ako kela Robi!” sigaw naman ni Luis na abala sa pakikipaglaro kasama ang mga kaibigan


Maya-maya lamang ay nagsidatingan na rin ang mga tinawag ni Eliza. Pahangos-hangos pa sila Luis at Shiela dahil kagagaling pa lamang nila sa pag-takbo.


“Mag-handa na kayo dyan, kukuhain ko na si Anna” sabi naman ni Eliza habang abala pa din sa pag-punas ng kanyang mga pawis. Sumunod naman agad ang dalawang bata kaya’t pinuntahan na din ni Eliza si Anna para pakainin na din ito.


“Anna, bb Anna, tara na at kakain na tayo hah” tumayo naman agad ang pinakabata sa kanilang magkakapatid, si Anna at pagewang-gewang pa ito kung mag-lakad


“Crisa, gising na, tanghali na, kakain na tayo” sabi naman ni Eliza sa kanyang kapatid na tulog na tulog pa


“Hmm, ano ba ate, masakit ulo ko” daing naman ni Crisa, ang sumunod kay Eliza

Dahil hindi pa din ito bumangon, naisipan ni Eliza na asarin ito kaya’t hinila nito ang kumot na nakatakip kay Crisa


Pagkaalis ng kumot ay nabigla si Eliza sa kanyang naamoy. “Crisa! Nag-inom ka na naman? Sabi ko sa’yo tigilan mo na yan! Wala na nga tayong pera eh!” sigaw ni Eliza kay Crisa, hindi naman ito pinansin ni Crisa at nag-talukbong nalang ulit ito


Dahil sa sama ng loob ni Eliza, lumabas nalang ito at pinabayaan si Crisa na matulog ulit. Pagkalabas naman ni Crisa ay nakita niya ang tatlong iba pa niyang kapatid na masayang nakain


“Ate! Kain ka na din oh” tawag ni Luis kay Eliza, nginitian lamang ito ni Eliza

Habang abala kumain ang magkakapatid, si Eliza naman ay dali-daling kinuha ang nakatagong garapon sa ilalim ng kanilang upuang kahoy


Binuksan na ito ni Eliza ngunit kanyang kinagulat ng pagkabukas niya nito ay bente na lamang ang nasa loob. Halos nasa isang libo ang naitago niyang pera doon ngunit para bang nag-laho nalang ito ng parang bula


Patayo na sana si Eliza ngunit nag-salita naman si Crisa na nasa likod na niya pala


“Ay oo nga pala, kinuha ko nga pala yung pera dyan sa garapon mo, natalo kasi ako dun sa pustahan namin ng mga tropa ko ehh, nagpainom pa tuloy ako” sambit naman ni Crisa na halos ikagunaw naman ng mundo ni Eliza


Noon pa man, sapul ng mahirap ang pamilya nila Eliza. Ngunit, lalo lamang silang nag-hirap nang mangulila sila sa piling ng kanilang magulang


Bilang panganay, naging responsabilidad na ni Eliza ang kanyang mga kapatid kung kaya’t tumigil ito sa elementarya para mas mapagtuunan niya ng pansin ang kanyang mga kapatid


Gustuhin man ni Eliza na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, pangkain naman nilang magkakapatid ang maaapektuhan


“Crisa, pangkain na natin ngayong buwan yung kinuha mo eh, alam mo naman na wala tayong pinagkukuhanan ng pera basta-basta” paliwanag na mahinahon ni Eliza sa kanyang kapatid na si Crisa


“Edi mag-labandera ka nalang muna ulit dun sa matandang Lita na iyon! Mababawi mo naman yan eh!” sigaw naman ni Crisa sa kanya, mapait na ngiti na lamang ang nagawa ni Eliza bago niya lagpasan ang kapatid na si Crisa


“Shiela, paliguan mo na si Anna hah, ikaw na muna ang mag-hugas ng mga plato Luis, salamat hah” sabi naman ni Eliza habang dere-deretso itong nag-lakad papunta ng kanilang silid


Pagkapasok niya ng kanilang silid ay sunod-sunod na nag-tuluan ang mga luha ni Eliza, ayaw na ayaw ni Eliza na nakikita siyang mahina ng kanyang mga kapatid dahil siya nalang talaga ang pinaka inaasahan nilang magkakapatid


Kung makita man siya ng mga kanyang kapatid na pinanghihinaan ng loob, siguradong mag-aalala ang mga ito at baka pati sila ay panghinaan na rin ng loob


Matagal na niyang pinaplano ang isang bagay na ito, at mukhang tadhana na talaga ang nag-sasabi sakanyang ituloy na niya ang kanyang pinaplano noon pa


Ang plano na iyon ay ang pumunta ng Maynila. Mag-trabaho sa Maynila. Dahil panigurado, wala naman mangyayari sakanila kung sa probinsya lamang sila, yan ang nasa isip ni Eliza


Nakapag desisyon na si Eliza at handa na siyang makipagsapalaran sa Maynila kung kaya’t dali-dali itong lumabas ng kanilang bahay papunta kay Aling Lita


-------------------------------------------------------------


“Aling Lita! Tao po!” sigaw ni Eliza sa labas ng bahay ni Aling Lita, ang matanda nilang kapitbahay na mapera at mabuti


“Oh ano yon Eliza?! Hapon na hapon eh nag-wawala ka sa tapat ng bahay ko!” sigaw ni Aling Lita habang pababa ito sa hagdan ng kanyang bahay na halos isang pamilya na ang pwedeng makatira


“May.. may pabor ho sana ako..” sabi ni Eliza na pinangungunahan ng hiya dahil masyado ng malaki ang utang na loob niya sa matanda


Nakayuko lamang na nag-salita si Eliza dahil wala na siyang maiharap na mukha sa matanda dahil na rin sa laking pasasalamat nito sa pag-tulong palagi sakanya


“Hala, ano yun, may nangyari ba? Halika, pumasok ka, doon tayo sa loob mag-usap” aya naman ni Aling Lita kay Eliza papasok


Nang makapasok na sila ay nagpatimpla agad ang matanda ng juice sakanyang katulong. “Hala, maupo ka, ano ba yun ija?”


“Ma’am Lita, a-alam ko pong malaki na sobra ang utang na loob ko sa inyo. Pero wala na po talaga akong matatakbuhan kundi sa iyo nalang ho. Sobrang laki ho ng pasasalamat ko sa inyo sa lahat ng pag-tulong ninyo sa aming magkakapatid” detalye naman ni Eliza habang mataimtim na pinapakinggan ito ni Aling Lita


“Kung pepwede ho sana na makahiram ho uli ng pera. Huling utang ko na ho talaga ito” dagdag ni Eliza at hindi pa din ito makatingin ng deretso sa matanda


“Naku Eliza, ang laki na ng utang mo sa akin, alam kong alam mo iyan. Magkano ba ang kailangan mo?” tanong naman ng mabutihing matanda


“10,000 ho sana kung sakali” sagot naman ni Eliza na pautal-utal pa


“Aba ija, ang laking pera niyan, para saan mo ba gagamitin?” sabi naman ng matanda na may halong pagkagulat dahil sa laki ng perang hinihingi nito bigla


“Nag-paplano ho kasi akong lu-lumuwas sa Maynila para makahanap ng maayos na trabaho, wala na din ho ka-kasi akong naitabing pera, ki-kinuha ni Crisa lahat ho” at hindi na napigilan ni Eliza ang mga luhang nag-babadyang tumulo galling sakanyang mga mata


“Naku talaga yan si Crisa! Pag-sabihan mo ‘yang kapatid mo, Eliza!” sermon naman ni Aling Lita habang patuloy pa din sa pag-hagulgol si Eliza


“Eto Eliza hah” sabi ng matanda sabay hawak sa kamay ni Eliza kaya’t napatingin naman ng deretso sakanya si Eliza


“Huling iuutang ko na ito sa’yo Eliza, alam ko naman babayaran moa ko kung kaya mo. Eto ang pagkakatandaan mo ija, hindi madali sa Maynila, mag-iingat ka, tandaan mo ang sinasabi ko Eliza anak” hindi na napigilan ni Eliza ang kanyang sarili at niyakap niya agad ang mabutihing matanda


“Maraming salamat ho! Babayaran ko ho kayo! Pangako!” sagot naman ni Eliza na nagpangiti sa matandang si Aling Lita


-----------------------------------------------------------


“Luis, ikaw na muna bahala dito ha. Ikaw ang lalaki kaya ikaw ang inaasahan ko dito, okay?” bilin ni Eliza sa kapatid habang abala ito sa pag-gagayak ng mga gamit niya

“Crisa, mga kapatid hah. Wag puro bisyo” sabi naman ni Eliza kay Crisa na parang wala naman pake sa pag-alis niya kung umakto


“Magpakabait hah, bb anna yakap kay ate!” sabi naman ni Eliza kay Shiela at Anna na pinipigilan ang luha sa pag-patak


Lumipas ang ilang oras na puno ng bilin ni Eliza sa mga kapatid habang abala pa din sa pag-gagayak. “Ate, bumalik ka nalang dito kapag ayaw mo na hah? Sabihin mo sa’kin kapag may nang-away sayo dun!” sabi naman ni Luis na akala mo naman ay sobrang laking tao kung makaasta


Napatawa na lamang si Eliza at niyakap ang mga kapatid maliban na lamang kay Crisa na hindi sila binibigyan ng pansin


Natapos ang gabi na puno ng lambingan at kulitan ang mag-kakapatid, ninanamnam ang oras na sila ay magkakasama pa


----------------------------------------------------

Hindi na napigilan ni Eliza ang pag-patak ng luha habang nag-lalakad na ito palayo sakanilang bahay. Sa buong buhay niya ay ngayon palang siya mahihiwalay ng tuluyan sa kanyang mga kapatid na parang naging buhay na din niya


Hanggang pag-dating sa Maynila ay tuloy pa din ang pag-agos ng luha ni Eliza


Ngunit ang inaakalang mahirap ngunit kakayanin na buhay sa Maynila ni Eliza ay iba pala sa kanyang inaasahan


--------------------------------------------------


Lumipas ang ilang buwan at madami ng nasubok na trabaho si Eliza. Pag-lilinis, pag-lalaba, pag-weweytres sa mga karinderya, tagapagluto at iba pa. Ito lamang ang mga kinayang pasukan ni Eliza na trabaho dahil na din elementarya lamang ang napasukan niya at halos ang ibang mga trabaho na regular ay kinakailangang high school graduate o di kaya’y college graduate, may eksperins ka at may sertipiko ka patungkol sa trabahong plano mong applayan


Gayunpaman, sa dami ng trabaho na kanyang sinubok, hindi pa din ito sapat para sa kanilang magkakapatid. Sa totoo lang ay kulang pa ito kung gugustuhin niyang mapagaral ang apat na kapatid


Sa ngayon ay nagpapahinga si Eliza sa kanyang bagong tirahan ngayon, maliit lamang ito na kwarto ngunit wala naman maririnig na reklamo mula kay Eliza dahil pasalamat na din siya na siya ay may natutulugan


“Hoy! May raket ako sayo! Try mo pumasok dito! Hindi kailangan na high school graduate! Subukan mo na ‘to! Malaki daw bigayan eh! May tip pa!” daldal naman ng kasama o rum meyt ni Eliza sakanya, si Erika


“Hmm ingay mo Erika, anong trabaho ba yan?” tanong naman ni Eliza habang nakapikit pa din ito


“Massage lang te! 8k isang buwan! Plus sayo na din tip ng customer mo!” sagot naman ni Erika na ikinabalikwas ni Eliza


“8k?! Massage lang?! Saan ba ‘yan?!” sagot naman ni Eliza na nakaupo na ngayon dahil sa narinig niyang pera


“Malapit lang! Samahan kita bukas!” sabi naman ni Erika na ikinangiti ni Eliza


Simula nang pag-dating ni Eliza dito sa Maynila ay tinutulungan na siya ni Erika kahit hindi naman sila magkadugo o ano man. Nanggaling din ako dyan, ika nga ni Erika


---------------------------------------------

“Dito na ba? Bakit naman ganyan damit ng mga ibang nag-aapply? Ang iikli ng damit ah” sabi naman ni Eliza kay Erika pagkadating nila sa tapat ng isang massaging clinic


“Ay nako! Hayaan mo sila! Baka akala bar!” sabay hagalpak ni Erika ng tawa, napailing na lamang si Eliza sa sinabi nito


“Sira ka talaga! Sige na, kaya ko na ‘to! Baka malate ka pa!” sabi ni Eliza kay Erika habang mahina niya itong tinutulak paalis


Dali-dali siyang niyakap ni Erika at kumaripas ito agad ng takbo paalis


Pagkaalis ni Erika, pumasok na din si Eliza sa massaging clinic na ang pangalan ay “Massage With Joy”. Pagkapasok ni Eliza ay hindi niya inakalang sobrang dami ng nag-aapply, siguro ay nasabik din sila sa laki ng sweldo, isip-isip ni Eliza


Makalipas ang ilang minuto ay may lumabas na isang bakla mula sa isang mga kwarto ng clinic. “Girls! Pila na! Mabilisan lang ‘to!” sigaw nito kaya dali-dali naman nag-pilahan ang mga babae kasama na si Eliza


Isa-isa na silang ininspeksyun, hindi gaanong makita ni Eliza ang nangyayari dahil malayo-layo pa siya sa pila


Nang si Eliza na ang nasa unahan ng pila, tinitigan naman siya ng bakla mula ulo hanggang paa na para bang iniinsulto nito ang buong pagkatao nito


Hinawakan at hinaplos din ng bakla ang mga kamay ni Eliza na para bang pinapakiramdaman ito, siguro ay tinitignan nito ang lambot at gaan ng kamay nito


Pagkatapos ni Eliza ay marami pa ang sumunod sakaniya kaya inabot pa si Eliza doon ng ilang oras


Makalipas ang ilang oras ay natapos din ang pag-iinspeksyun


“Okay girls! Iwan ang resume dito! Tatawagan nalang namin kayo kung natanggap kayo!” anunsyo ng bakla, “Pwede na kayong makaalis!”


Pagkalabas ni Eliza ay dumeretso agad ito sa malapit na kompyuteran. Gantong oras lagi siya tumatawag sakanyang mga kapatid, tatlong beses sa isang linggo


Nang nabuksan na nito ang facelook.com niya ay dali-dali niya naman tinawagan ang mga kapatid


*Tawag*


“Mam! Mam Lita! Maraming salamat ho uli! Konti nalang ho mababayaran na kita!” sabi agad ni Eliza nang si Aling Lita ang bumungad sa tawag


“Oh Eliza! Teka lang, tatawagin ko sila Luis!” sagot naman ni Aling Lita


Nang makita ni Eliza ang mga kapatid sa tawag ay hindi nito mapigilang hindi maiyak, ilang buwan man na ang lumipas, ang amoy at ingay ng bahay pa din nila ang kanyang hinahanap


“Luis! Shiela! Bb Anna! Nasan ang ate Crisa niyo?” sabi ni Eliza sa mga kapatid habang di pa din nito mapigilan ang pag-ngiti kasabay ng kanyang luha


“Nasa bahay ate! Sungit eh! Ba’t ka naiyak ate? May nang away ba sayo?!” sagot naman ni Luis na akala mo naman eh malaking tao kung umakto


“Wala! Eto talaga!” sabay tawa ni Eliza, “konting tiis nalang hah, konti nalang, mabibili ko na mga kailangan at gusto niyo, sabihin niyo din ‘to kay Crisa hah” bilin ni Eliza sa mga kapatid


Patango-tango lang naman ang tatlo habang nakangiti, “Luis, pabalik muna kay Aling Lita ang telepono hah” sinunod naman agad ito ni Luis


“Mam Lita, nag-hihintay nalang ho ako ng resulta doon sa inapplyan ko, mababayaran ko na ho kayo, maraming salamat ho sa lahat ng tulong!” paliwanag ni Eliza kay Aling Lita


“Oh sige ha, hihintayin ko yan, mag-iingat ka dyan ha, wag mo masyadong alalahanin mga kapatid mo dito, mga mababait naman ang mga ito ehh” sabi ni Aling Lita habang nakangiti lamang ito


Natapos ang isang oras ni Eliza sa kompyuteran na puno ng kwento galing sa mga kapatid

Makalipas ang ilang araw…..


“Eliza! Eliza!” sabay yugyog ni Erika kay Eliza na tulog na tulog galling sa trabaho

“Hmmm? Ano yun Erika? Ang aga pa hmm” sabi ni Eliza na papuyos-puyos pa dahil sa antok


“Sira ka! Nag-text na yung sa massage! Natanggap ka! Pwede na daw mag-simula agad bukas!” sagot naman ni Erika na akala mo’y siya ang natanggap at hindi si Eliza


Napamulat naman si Eliza sa gulat at sa sobrang galak ay napayakap na lamang ito kay Erika at paulit-ulit na sinabi ang katagang “Salamat!” kay Erika


------------------------------------------

“Oh girls! Goodluck hah! And remember! Kung ano ang gusto ng customer, gawin! Papirmahan na din muna itong kontrata niyo para hindi tayo magkaproblema pa!” anunsyo muli ng baklang nag-inspeksyun sakanila nung nakaraan


Isa-isa naman silang binigyan ng folder na may kontrata sa loob at isang ballpen.


Pagkabuklat ni Eliza ay nagulat siya dahil ito ay nasa ingles na lenggwahe. Sinubukang basahin ni Eliza ang kontrata ngunit dahil sa kakulangan ng edukasyon ay hindi niya naman naintindihan ang iilang mga nabasa niya


Pinirmahan na lamang agad ito ni Eliza at binalik na ulit sa bakla


“Okay girls! Pwesto na sa mga room na nakaassign kayo! Sasabihan nalang kayo if may customer kayo hah!” anunsyo ulit ng bakla


Dali-dali ng kumilos ang mga babae pati si Eliza na nataranta na rin sa kaba


Makalipas ang ilang oras ay nagkaroon na ng unang customer si Eliza. “Whooo, kaya ko ‘to!” Sabi ni Eliza sa sarili


Pagkapasok ng una niyang kustomer ay nagulantang ito dahil malaking tao ito, siguradong sasakit ang mga kamay niya sa pag-mamasahe niya dito


“Okay? Eto na ba ‘yon?” sabi ng lalaki sa maawtoridad na tono


“P-po? Higa na po kayo sir” sabi naman ni Eliza na nadagdagan lalo ang kaba dahil sa tono ng pag-sasalita ng lalaki


“Ano?! Nag-request din ako ng extra service!” salita naman ng lalaki na ikinagulo ng isipan ni Eliza


“H-ho?” sagot ni Eliza dahil nablangko na siya ng tuluyan


Lumabas naman ang lalaki sa kwarto at tumawag yata ng ibang staff na nakabantay sa labas


Ilang minuto lamang ang lumipas ay bumalik na ang lalaki at may kasamang staff na babae


“Sir, pasensya na po. Bago lang kasi siya dito” paumanhin ng babae sa lalaki


“Eliza! Sige na, hubad na! VIP natin ‘tong nakapili sayo!” bulong sakanya ng babae pagkalapit nito sakanya


“H-hubad? Massage lang ho diba?” sabi ni Eliza at nanginig na ito ng tuluyan sa takot


“Nag dagdag siya ng extra service! Nasa contract na pina sign sainyo kanina yun! Hindi mo ba binasa?! Sige na, hubad na! Wag ng madaming arte! Wag ka mag-alala, Malaki mag bigay iyan! Baka maka 10k ka kaagad ngayong araw lang!” paliwanag kay Eliza ng babae ngunit pabulong pa din


Hindi pa din pumapasok sa utak ni Eliza ang nangyayari dahil sa pagkagulat, hindi niya naisip na pag-dadaanan niya ang gantong bagay


Alam niya sa sarili niya na malaki ang pangangailangan niya sa pera at ang 10k na yun para sa isang araw lamang ay ni hindi niya pa kinikita simula ng tumungtong siya sa Maynila


Kasalanan din naman niya at hindi siya natutong mag-basa at umintindi lalo na ng ingles. Nasa isip ni Eliza ngayon ay kung ayaw niyang maranasan ito ng mga kapatid niya, kinakailangan niyang mag-sakripisyo para maitaguyod pati ang pag-aaral ng apat na kapatid


Pilit man at pinanghihinaan ng loob, ayaw man at labag sa loob ni Eliza, tinanggap nalang niya ang kapalaran na kanyang dadanasin sa klase ng trabaho na ito


Kung madali at simpleng kwalipikasyon, kwalipikasyong babagay sa mga katulad niyang mahirap, dadanasin niya kaya ang klase ng trabaho na ito?

Makalipas ang ilang taon…


Isang beses sa isang linggo na lamang natawag si Eliza sa mga kapatid dahil abala na ito sa trabaho niya sa “Massage With Joy”


Maayos at nakakapag aral na ang mga kapatid ni Eliza, nakapagbayad na din siya ng mga utang niya kay Aling Lita. Hindi lang iyon, nabibigay na din niya ang mga gusto ng mga kapatid niya. Lalo na ni Crisa na laging may bagong hiling sa kapatid na si Eliza

Hindi na din nakatira si Eliza sa maliit at masikip na kwarto kundi halos isang pamilya na din ang kakasya sa inuupahan niyang bahay, nag-paplano na din siyang kuhain ang mga kapatid mula sa probinsya nila


Habang si Erika ay kasama niya pa din, ngunit walang kalam-alam si Erika sa mga nangyayari at hindi na din ito nag-lakas loob pang mag-tanong


At ang walang kaalam-alam na Eliza, hanggang ngayon, ay pinapaniwala ang kanyang sarili na sa isang normal na massage clinic lamang siya nag-tatrabaho


IKAW, oo ikaw na nag-babasa. Sa tingin mo ba ay mangyayari ito kay Eliza kung ang kwalipikasyon sa pag-tatrabaho ay hindi masyadong mataas? Sa tingin mo ba ay mangyayari ito kung ang kwalipikasyon ng mga trabaho, kahit simpleng trabaho lamang na may sapat at tamang kita, ay bumabagay sa mahihirap? Anong sa tingin mo? Ikaw lamang ang nakakaalam ng sagot. Tapos na ang oras para tayo ay mag bulag-bulagan pa. Oras na para kumilos, kumilos para sa pag-babago.







 
 
 

Comments


Post: Blog2_Post

©2022 by Qualified Over Qualifications. Proudly created with Wix.com

bottom of page